This is 90.7 Love Radio Davao's Official blogsite.
Submit your posts here or email us at loveradiodavao@hotmail.com
~ Friday, February 5 ~
Permalink

Ang Hiwaga ng Gayuma

by Jammid Dawal

HCDC - Intern

“Ang pinakamahirap na bagay na gawin ay ang pagmasdan ang taong pinakaasam-asam na may ibang minamahal.”

Ang pag-ibig ay walang kinikilala, babae, lalake, bata, matanda, maging sino ka man. Kung anong kaligayahan ang naidudulot nito’y ganun din ang sakit at pighating kayang ibigay kanino man.

Naranasan mo na bang umibig ng patago? Paano kung ikaw ay umibig sa taong hindi ka naman kanyang mahal? Nawalan ka na ba ng pag-asa na may magmamahal pa sa’yo? Ang siyang mga katanungan na bumabagabag sa iyong kaisipan ay maaring masagot sa pamamagitan ng love potion o mas kilala sa pangalang gayuma.

Ayon sa dictionary.com, ang love potion o gayuma ay isang magical potion na pinaniniwalaang nagpapasigla at nagpapabagsik  ng buhay pag-ibig. Ito ay isa ring uri ng black magic na ginagamit upang makaakit at mapaibig ang isang taong iyong ninanais. Noon pa ma’y popular na ang tinatawag na gayuma sa mga taong nagmamahal o sawi sa pag-ibig. Hindi pa man dumarating ang mga Kastila sa ating bansa, ay mayroon ng mga paniniwala’t ritwal na isinasagawa ang ating mga ninuno. Sa mga bansang China at India, ang pag gamit nito ay parte na ng kanilang kultura. Malawak ang kaalaman nila ukol sa pag gamit at mga benepisyo nito.

May iba’t ibang klase ng gayuma, at kadalasan ang  mga sangkap nito ay mula sa iba’t ibang organikong materyales at produkto gaya ng mga halamang gamot, mga bahagi ng hayop o insekto, mga mamahalin at pambihirang mga bato, korales at mga sanga ng kahoy.

Klase-klase ang paraan na maaring gawin para mang-gayuma. Ito ay kadalasang hinahalo sa mga inumin. Kasabay nito ang pag sabi ng isang Latin na orasyon kung saan ang madalas na pagsambit nito ay nakaka-apekto sa pagtupad ng gayuma.

Maliban ditto, ang ibang gayuma ay sinusuot tulad ng pulang supot na may mga buto, buhok, o mga batong maliliit. Sinasabing ang taong magsusuot nito ay mas magiging kaakit-akit at kahali-halina.

Hindi madali ang pag gawa ng gayuma. Ayon sa mga hakahaka, may mga eksperto na kailangang lapitan dahil sila ang higit na nakaka-alam sa tamang dami at sukat ng mga sangkap ng gayuma. Ang mga naglalako naman ng gayuma ay  nagbibigay ng alternatibong preskripsyon kung saan may sinusulat na simbolo sa isang papel. Isa din itong epektibong paraan upang gumana ang gayuma.

Sinasabing, ang pag gamit ng gayuma ay may katumbas na kapalit. Hindi panghabang-buhay ang epekto ng gayuma sa isang tao, kalimitan ay ang taong nanggayuma ay nagsasawa sa taong ginayuma nito. Ang iba naman ay nagkakaroon ng sakit or di kaya’y namamatay.

Hindi minamadali ang pag-ibig. Ito’y kusang loob na dadating at kakatok sa ating pintuan. Kung hindi man masaya ang “lovelife” mo ngayon, marahil sa sunod na panaho’y makakamtan mo rin ang pag-ibig na tunay na nakalaan sayo.

Mananatili ka nalang bang magmamahal sa malayo, o susubukan mo nang gumamit ng gayuma?